Isa sa mga sinasabing kagandahan ng death penalty ay ito daw isang deterrent sa mga gumagawa ng krimen. Natatakot daw kasi sa death penalty ang mga tao kaya hindi sila gagawa ng krimen. Kung iisipin natin, isang paraan lang nakakabawas ng krimen ang death penalty, ito ay sa paraan na yung gumagawa ng krimen ay nawalan na ng pagkakataon na gumawa ng krimen, patay na kasi. Pero siyempre, kung kinulong mo naman siya, hindi na rin siya makagawa ng krimen, maliban na lang pagkalaya niya.
Pero sa mga gagawa ng krimen, deterrent ba ang death penalty? Hindi. Bakit, una may mga kriminal, hindi naman nila iniisip na mahuhuli sila, bakit ka matatakot sa kaparusahan kung sa palagay mo hindi ka naman mahuhuli. Pangalawa, desperado na sila, maski natatakot sila sa death penalty, kung wala na silang makitang paraan pa kundi ang gawin yung krimen para matugunan ang problema nila, gagawin pa rin nila yung krimen, bahala na. At pangatlo, wala silang pakialam, sa palagay niyo ba yung mga terorista ay natatakot sa death penalty? Hindi, kasi sa kanilang pananaw, mas mahalaga pa sa buhay nila ang kanilang ipinaglalaban, papatay at magpapakamatay sila para sa ipinaglalaban nila.
Ngayon sa deterrence, may balita sa Inquirer na bumaba ng 30 percent ang krimen sa Metro Manila, isang statistic na nagpapawalang bisa sa mga sinasabi ng mga sumuspota sa pagbalik ng death penalty.
No comments:
Post a Comment