Sa unang tingin, kaaya-aya ang mga mungkahi na ito, bababa o kung hindi man ay hindi gaanong tataas ang presyo ng langis, kaya huhupa rin ang pagtaas ng presyo ng mga pamasahe at iba pang bilihin.
Subalit kung iyong susuriin, mas makakasama sa Pilipinas at sa mga Pilipino ang panukalang ito. Bakit ika mo?
Kasi sa pag subsidize sa presyo ng langis, mas makikinabang ang mga mayayaman na may kotse kaysa sa ating mga namamasahe lamang. Halimbawa, para madaling sumahin, tumaas ang presyo ng langis ng 10 piso kada litro. Sa Jeep, kung sampuan ito, kailangang magdagdag ng 50 sentimos kada pasahero para mapunan ang itinaas na presyo ng langis samantalang 10 piso ang kailangang idagdag ng isang may kotse.
Kung i-subsidize ng gobyerno ang presyo ng langis para hindi ito tumaas, ibig sabihin, ang pasahero ng jeep ay nakatipid ng 50 sentimos samantalang bawat may ari ng kotse ay nakatipid ng 10 piso. Hindi pa natin binibilang dito mga nakasakay sa bus na mas tipid dahil sa mas madami silang magpaparte sa itinaas ng langis o ang dami ng kotse sa lansangan ng Pinas kumpara sa dami ng bus at jeep at makikita natin na mas makikinabang ang mayayaman kaysa mahihirap kung i-subsidize ng gobyerno ang presyo ng langis.
Kung i-subsidize din ng gobyerno ang presyo ng langis, saan mangagaling ang pera? Sa buwis din na ibinabayad natin? At lagi ng sinasabi na ang buwis na nakokolekta ng gobyerno, karamihan ay galing sa sales taxes at sa income taxes ng middle classes, bakit naman kailangang ibalik pa natin sa mayayaman yung kakarampot na buwis na ibinabayad nila? Kulang na nga yung serbisyong nakukuha natin sa gobyerno babawasan pa natin para lang makatipid sa gasolina yung mga may kotse? Kung kaya nilang bumili ng kotse, kayanin nilang bumili ng langis.
Tingnan natin kung ano ang nangyayari sa mga bansang nag-subsidize ng presyo ng kanilang langis.
- Burma - Ang Burma, kagaya ng Pilipinas ay isang mahirap na bansa, kaya pinili ng gobyerno nila na i-subsidize ang presyo ng kanilang langis para makatulong sa kanilang mamamayan. At para na rin hindi mag-protesta ang mga ito. Ang problema, sa bilis ng pagtaas ng presyo ng langis naubos ang kanilang pera kaya napilitan din silang magtaas ng presyo, dinoble po nila ang presyo ng kanilang langis. Dahil dito, nagkaroon ng malawakang protesta at nagkaroon ng malawakang pagkitil ng buhay at karapatan ng mga Burmese
- Iran - Ang Iran ay isa sa pinakamalaking exporter ng langis sa buong mundo, siguro naman kaya nilang i-subsidize ang presyo ng kanilang langis. Pero maski Iran ay kinukulangan ng pera sa pag-subsidize ng langis nila kaya inisip nilang mag-rasyon na lamang ng langis.
Isa pa sa mga naging problema ng Iran kung bakit sila naubusan ng pera ay ang smuggling ng gasolina. Hindi katulad ng smuggling dito sa atin kung saan nag-smuggle ng gasolina papasok para hindi magbayad ng buwis. Ang smuggling sa Iran ay palabas, dahil sa mura ang presyo ng langis sa kanila, yung mga tao sa kalapit nilang mga bansa ay bumibili ng langis sa loob ng Iran at ibinebenta sa kanilang mga bansa para kumita. Kaya rin lalong lumalaki ang gastos ng gobyeno ng Iran sa pag subsidize ng presyo ng langis.
Sigro maski na mura ang langis sa Pinas, walang magtangkang mag export ng subsidized na langis dahil sa isla tayo at mas mahal mag transport sa dagat. Tapos ang mga karatig bansa natin, Malaysia, Brunei at Indonesia ay mga exporters ng langis, pero kung sobrang laki ang diprensiya, malay mo rin, malapit lang naman ang Taiwan at Vietnam sa atin.
Ang isa pang naging problema ng Iran at puedeng maging problema sa atin ay dahil sa baba ng presyo ng langis sa kanila, hindi natutuong magtipid ang mga Iranian. Parang hindi sila maubusan ng langis. Ang isa sa epekto ng mataas na presyo ay napipilitan ang mga gumagamit nito na magtipid o kaya naman ay maghanap ng alternatibo. Alam naman natin lahat na walang langi dito sa Pilipinas. Makakatulong sa atin kung mas kokonti ang konsumo natin ng langis at kung makakahanap tayo ng pamalit sa langis. Mas hihirap ang paghahanap ng kapalit ng langis kung i-subsidize ng gobyerno ang presyo nito.
Sa pagtatapos, ang pag-subsidize sa presyo ng langis ay maganda lamang sa malayong pagtingin, layogenic ika nga, pero pag sinuri mo na ng malapitan, suwangit itong panukalang ito para sa Pilipinas at sa maralitang Pilipino.
No comments:
Post a Comment