Sa buhay nating mga pinoy, may mga tao tayong tinatawag na pilosopo, ito yung mga tao na magaling mag debate, na kayang-kayang magpaikot ng katwiran para ma-suportahan kung ano man ang kanyang sinusulong na posisyon. Sa politika, isa si Amando Doronila sa mga taong ito, magaling magsulat at magpaikot-ikot ng salita. Pero kagaya ni dating CJ Corona na sinuportahan niya, mahuhuli rin natin si G. Doronila sa kanyang pamimilosopo mula sa kanya mismong pananalita.
Ayon sa
pinakabago niyang column sa Inquirer, hindi daw puedeng maging CJ ang isang tuta ni Presidente Aquino kasi, "The public will find it hard to accept a presidential toady as the next Chief Justice." Mahihirapan daw tanggapin ng taongbayan ang isang CJ na tuta ni Presdiente Aquino. Pero siya, bakit niya sinuportahan ang isang CJ na tuta ni dating Presidente Arroyo? Ano ang pagkakaiba ng isang CJ na tuta ni Aquino sa isang CJ na tuta ni Arroyo? Bakit sinuportahan niya ang isa at hindi ang isa?
Bakit di rin niya sinabi na mas gusto ng nakararami na matanggal si Corona bilang CJ? Bakit tama ang desisyon ng publiko na hindi tanggapin ang isang tutang CJ ni Aquino pero mali sila sa kagustuhan nilang tanggalin si Corona?
Yan ang kahinaan ng mga namimilosopo, magaling silang magsalita, pero dahil sa kagustuhan nilang manalo sa debate, lahat na lang ng katibayan maski magkalaban (contradictory) ay kanilang sinusulong. At dito natin makikita na hindi tunay ang kanilang pagsulong sa kanilang posisyon, kunwa kunwari lang, namimilosopo lang.