Para sa araw ng wika (galing lang din sa e-mail)
Kung ang I LOVE YOU ay INIIBIG KITA, bakit ang umiibig (I) at ang umiibig (YOU) ay mukhang tuwirang naglaho sa pagkakasalin? Dahil ba kung umibig ang Pilipino ay nawawala ang AKO at IKAW at nagiging isa at nagsasanib sa KITA? Iyon din marahil ang dahilan kung bakit ang kasal ay PAG-IISANG DIBDIB at ang asawa ay KABIYAK NG PUSO.
Bakit may tawag tayo sa limang daliri ng kamay --- HINLALAKI, HINTUTURO, HINLALATO, PALASINSINGAN, at KALINGKINGAN --- pero sa daliri ng paa ay wala?
Kung ang bicycle ay BISIKLETA, bakit ang motorcycle ay MOTORSIKLO at hindi MOTORSIKLETA? O kaya’y BISIKLO?
Bakit ang SILANGAN (kung saan sumilang ang araw) at KANLURAN (kung saan kumakanlong ang araw) ay maliwanag ang ibig sabihin, pero ang HILAGA at TIMOG ay hindi mo alam ang pinagmulan?
Kung ang likod ng tuhod ay ALAK-ALAKAN, bakit wala tayong tawag sa likod ng siko?
Kung ang IN ay ginagamit sa gitlapi sa prito para maging PRINITO, sa gisa para maging GINISA, at sa paksiw para maging PINAKSIW, bakit sa laga ang ginagamit at ang unlaping NI para maging NILAGA. Bakit hindi LINAGA dahil hindi naman natin sinasabing NIPRITO o NIGISA o NIPAKSIW? Alin ba ang tama?
Bakit may tawag tayo sa four seasons – TAGLAMIG, TAGSIBOL, TAG-INIT at TAGLAGAS – gayong ang panahon sa Pilipinas ay TAG-ARAW at TAG-ULAN lamang?
Kung may inang PUTA, bakit walang amang PUTO? Lahat ba ng lalaking kalapati ay matataas ang lipad?
Bakit nakaugalian na nating sabihing isang SENTIMO at limang SENTIMOS? Wala naman sa balarilang Tagalog ang pagdudugtong ng “s” sa pangngalan para ito maging maramihan. Hindi naman natin sinasabing limang PISOS, ‘di ba?
Kung ang left-handed at KALIWETE, ano ang right-handed? Kung tradisyunal na nating tituturing na ang ama ang haligi ng tahanan, bakit ang asawang babae ay ang MAYBAHAY at ang asawang lalaki ay ang TAO lamang?
Bakit nakasanayan na nating sabihin NAKAKAINIS, NAKAKATAKOT o NAKAKAALIW? Di ba ang dapat na inuulit at ang unang pantig ng salitang-ugat? Kaya dapat ay NAKAIINIS, NAKATATAKOT, at NAKAAALIW.
Kung sinasabi nating AMOY ARAW, LASANG IPIS, o MUKHANG ANGHEL, mayroon na ba talagang nakalanghap ng araw, nakatikim ng ipis o nakakita ng anghel?
Mayroon naman tayong LOLO at LOLA, AMA at INA, at TIYO at TIYA, bakit wala tayong isang-salitang katumbas ng SON at DAUGHTER, NEPHEW at NIECE, at GRANDSON at GRANDDAUGHTER? Itinuturing ba nating asexual ang ANAK, PAMANGKIN at APO?
Bakit sa Tagalog maraming katumbas ang LOVE --- PAG-IBIG, PAGMAMAHAL, PAGSINTA, PAG-IROG, PAGLIYAG, PAGGILIW? Dahil ba ang Pinoy ay likas na palasintahin?