Monday, March 28, 2011

Isang lider ng AKBAYAN Pinaslang

Statement po ng AKBAYAN 2ND District division-- Quezon

Humihingi ng Katarungan ang Pinaslang na Lider ng Akbayan at mga Biktima ng Serye ng Karahasan sa Bayan ng Candelaria

Marso 23 ng dapit hapon sa mataong panulukan ng kalye Cabunag at Nadres malapit sa munisipyo ng Candelaria , walang pakundangang binaril at napatay si Eduardo Magnaye, isang lider komunidad at taga-pangulo ng Sta. Catalina Norte Akbayan Chapter, habang gumagampan ng kanyang tungkulin bilang taga-ayos ng trapiko sa nasabing panulukan.

Isang responsableng mamamayan , tumutupad sa kanyang tungkulin at nagsisikap na makatulong sa kanyang mga kabarangay sa kabila ng kahirapan. Nagtataguyod ng adhikaing magkaroon ng isang lipunang mapayapa , ligtas at maunlad para sa lahat--- ay winakasan ng pagkitil sa kanyang buhay.

Si Eddie Boy sa mga kasama, ang pinakahuling biktima ng lumalalang kalagayang pangkapayapaan sa ating bayan. Ang mga pagpaslang na ito ay nakakabahala na sa mga mamamayan. Hindi na pangkaraniwang pamamaslang ang nagaganap lalo pa at ang mga salarin ay lubhang nagpapakita ng kompyansa na hindi sila madadakip sapagkat halos nagaganap ito sa mga lugar na maraming tao at malapit pa sa sentro ng bayan.

Sariwa pa sa ala-ala ng mga mamamayan ang naganap kay Kapitan Rico Regulto , dating Mayor David Emralino, isang Boy Boonggaling, dating Kap. Docar Dimayuga at maraming iba pa na hindi na matandaang pangalan na pawang mga biktima ng pamamaril dito sa ating bayan sa loob lamang ng maikling panahon.

Mariing kinukondena ng Akbayan 2nd District Division ng Quezon ang karumaldumal na pagpaslang na ito sa aming lider, at maging ang iba pang karahasan na sinapit ng iba pang biktima. Ang Akbayan 2nd District Division ng Quezon ay humihingi ng katarungan at hustisya para sa mga biktima.

Sa mga pangyayaring ito, hindi kami nangingiming maningil sa mga kinaukulan at mga maykapangyarihan kung anong mga hakbangin ang kanilang ginagawa upang proteksyunan ang mga mamamayan sa mula sa karahasan? Gumagapang ang takot sa mga karaniwang tao at maraming nagtatanong kung ligtas pa nga ba ang ating bayan mula sa mga elemento ng krimen?

Nanawagan din kami sa ibat-ibang sektor ng ating pamayanan upang kondenahin ang mga na nagaganap na karumal dumal na krimeng ito sa ating pamayanan. Huwag na nating hintaying tayo ang mabiktima at maparalisa ng takot at tuluyang hindi na makakilos sa harap ng lumalalang sitwasyon.

Hinihingi naming papanagutin sa harap ng batas ang mga salarin!

KATARUNGAN PARA KAY KASAMANG EDDIE BOY MAGNAYE !

KATARUNGAN PARA SA LAHAT NG BIKTIMA NG KARAHASAN AT PAMAMASLANG SA BAYAN NG CANDELARIA!

PANGALAGAAN ANG ISANG MAPAYAPA AT LIGTAS NA PAMAYANAN!

No comments: